Saturday, November 20, 2010

Deep Fried Halo-halo


Deep Fried Halo-halo
           
Sa panahon ng tag-init, tunay na patok sa panlasang pinoy ang halo-halo at di maikukubling kaugalian na natin ang gawin itong pampalamig . Ang ibat iba nitong sangkap gaya ng minatamis na saging, langka, sago, munggo, nata de coco, kaong, ube, at leche flan na mayroong pinong kinaskas na yelo at makremang gatas ay tunay ngang nakakapawi ng init na dala ng mataas na sikat ng araw. Pero ako? Maging tag-init man o tag-ulan, halo-halo pa rin ang paborito kong panghimagas at wala nang iba pang usapan!
Ilang klaseng halo-halo na rin ang aking natikman sa iba’t-ibang kainan ngunit ang tunay na nakaagaw ng aking pansin ay ang halo-halo ng Canlubang Golf Club na matatagpuan sa Laguna. Naroroon at nakasulat sa kanilang menu- deep fried halo-halo. Pritong halo-halo? Posible ba yun? Ito ang mga katanungan na dumako sa aking isipan nang makita ko ang kanilang kakaibang panghimagas na ito. Di na ako nagdalawang isip pa sapagkat nasabik ang aking panlasa sa kakaibang bersyon ng aking paboritong panghimagas.
Di tulad ng karaniwang halo-halo na puno ng kinaskas na yelo, ang deep fried halo-halo ng Canlubang Golf Club ay inihanda sa kakaibang paraan- tanda ito na ang Pilipino ay likas na malikhain maging pagdating man sa mga pagkain. Sa halip na ilagay sa isang mataas na baso ang mga sahog ng halo-halo, ang mga ito ay masinop na ibinabalot sa lumpia wrapper at sabay ipiprito sa mainit na mantika hanggang sa ito ay maging malutong. Matapos hanguin ay bubuhusan naman ng malapot na gatas ang ipiniritong binalot na sahog ng halo-halo. Bilang pagtatapos ay lalagyan naman ito ng sorbetes sa ibabaw at bubuhusan ng matamis na tsokolate.
Sa kabila ng simpleng paggawa ng panghimagas na ito, mararanasan naman ng iyong mga dila ang kakaibang tekstura at lasa. Ang pagsasama-sama ng lutong ng lumpia wrapper, linamnam ng mga sahog sa loob, makremang lasa ng sorbetes, at matamis na tsokolate ay tunay na magpapamangha sayo sa sarap ng pagkaing Pilipino. Kaya ano pang hinihintay mo? Pumasyal na sa Laguna at tikman ang deep fried halo-halo!